Hello, North Avenue.
Anus of Uranus. Kabait-bait mong tao nakakaisip ka ng masama. Pinag-aral ka naman ng magulang mo, at sa pribadong eskwelahan pa. Hindi ka grumaduate na Valedictorian pero pasok ka pa din sa Top 10 nung iniwan mo ang high school. Nung kolehiyo nagtapos kang maganda pa din ang reputasyon mo: wala kang bagsak, isa ka sa mga nangunguna sa academics, at higit sa lahat wala kang DO record - isang bagay na talagang maipagmamalaki mo. Nagtatrabaho ka ngayon sa isang maliit na kumpanya. Pero hindi sa "maliit lang" na kumpanya. Hindi mo mamaliitin kasi foreign-owned. Lunes hanggang Biyernes ang pasok mo, at hindi night shift. Hindi kakarampot ang kinikita mo, sapat na sapat dahil wala ka namang pinag-aaral. Single ka, wala pang gaanong alalahanin. Kahit kailan, basta nagkasahod na, pwede mong mabili ang anuman sa magustuhan mo. Maganda ang takbo ng buhay mo. Ang araw-araw mo lang na gagawin e umupo ng sampung oras sa harap ng computer sa opisina, at sumakay ng tren sa umaga at sa gabi. Anus of Uranus. Ang sarap ng buhay mo, naisipan mo pang mag-isip ng masama sa kapwa mo?
Tanong mo sa akin, "Masama na ba 'yung inisip ko?" E ano? Kunsintihin kita? E kung magkatotoo pa yang iniisip mo, edi lagot na?
Inisip mo lang naman na bumuka ang lupa sa bahaging ito ng EDSA, dahilan para manginig ang istraktura ng MRT North Avenue station at bumitak ang platform na kinatatayuan mo at ng marami pang pasahero sa umagang iyon. Gusto mong gumuho yung yellow tiles, yung linyang hindi dapat apakan ng pasahero habang hinihintay ang susunod na tren. Gusto mong magiba ang yellow tiles na iyon para tuluyang mahulog sa riles ang isang lalaking nakatayo doon, tapos biglang hahagibis ang tren at alam-mo-na-ang-mangyayari; isang lalaking hindi mo kilala at hindi ka kilala, pero kinamuhian mo ng mga oras na iyon - isang taong sana matagal mo nang kilala, dahil gusto mong makipagdigmaan sa kanya ng ilang taon. Matira-matibay, ubusan-lahi. "Sa isang malaking warehouse...isasara ang pintuan...nakaabang ang mga ambulansya...LAST MAN STANDING!", sabi nga ni Ben Tulfo.
Alam mong malabo ang iniisip mo, kaya iniba mo na lang ang inisip mo: Inisip mo na lang na dumating nang matiwasay ang tren, pero mabilis. Skip train. Lalagpas. Pero hindi alintana ang bilis ng tren, nagtulakan pa din ang mga tao sa likuran niyo, dahil akala nila hihinto ang tren sa North Avenue. Hindi ka nanunulak, pero dahil nakapila ka na at hindi ka siyempre aalis sa pwesto mo, e parang nakikitulak ka na din pero wala kang magawa. At sa sobrang lakas ng tulakan, naitulak nang husto ang lalaki sa unahan mo - ang lalaking hindi mo kilala at hindi ka kilala - at kumaskas nang malupit ang mukha niya, hindi kasama ang katawan, sa humahagibis na tren na lalagpas naman pala ng istasyon. Hindi yun kaso ng Hit and Run. Face-Scratch-and-Run ang tawag dun. Sa Tagalog, "buti-nga-sa'yo-hayup-ka."
Narealize mong morbid ang iniisip mo, at kasabay nito ay bumalik sayo ang diwa ng pagiging isang mabuting-tao mo, kaya iniba mo na lang uli ang inisip mo: Inisip mo na lang na istrikto at seryoso ang mga guard na nagbabantay sa platform, lalo na pagdating sa pagpapatupad sa mga minu-minutong anunsyo sa istasyon - maayos at walang tulakan na pagpila habang hinihintay at habang sumasakay ng tren; pagbabawal sa pagkain, pag-inom, pagkakalat at paninigarilyo (pagdodroga?) habang nasa loob ng istasyon; pag-iingat sa mga mandurukot at mananamantala; at hindi pag-apak sa dilaw na tiles upang mapanatili ang kaligtasan ng mga pasahero. At sa sobrang istrikto nila, nakita nila ang lalaki sa harap mo - ang lalaking hindi mo kilala at hindi ka kilala - na nakaapak sa dilaw na tiles, kaya pinaalis nila ito sa pila, dinala sa opisina at sinermunan kasama pa ang ilang pasaherong tulad niyang lumabag din sa mga panuntunan ng tren.
Pero, sabi mo sa sarili mo, hindi sila ganoon ka-istrikto. Paaatrasin lang nila ang lahat ng nakapila hanggang wala nang nakaapak sa yellow tiles, tapos OK to go na uli ang biyahe. Kaya inisip mo na lang na: May auto-detector yung tiles. Madedetect nito kung may tatlumpung segundo o higit pa na nakaapak ang isang indibidwal sa dilaw na tiles. At pag kumpirmado, ii-scan nito ang taong nakaapak, at gamit ang datos sa National Filipino Citizenship Record, makikilala ng detection system kung sino ang taong ito, at magpapataw ito ng kaparusahan sa pasahero sa susunod na sakay ng tren: Una, lahat ng bibilhin niyang card ay invalid (ang pagbili ng card ay nangangailangan na ng fingerprint scanning, at gamit ang datos sa nabanggit na NFCR, kilala ng pamunuan ng MRT ang mga taong bumibili ng card pero may violation buhat sa huling sakay), pero hahayaan pa din siyang makabili ng card dahil dagdag ito sa pondo ng pamunuan ng MRT. Ikalawa, kung naka-stored value ang pasahero at hindi na niya kailangan bumili ng card, hindi naman tatanggapin ng card-gates (kung ano man ang tawag dun) ang card nito at kakainin na lang nito ang card. Tapos lalabas dun sa screen kung ano yung violation niya. Ikatlo, mananatili siyang ban sa MRT ng ilang araw, linggo, o buwan, depende sa bigat ng violation niya.
Napangiti ka, dahil bilang isang alagad at manggagawa sa larangan ng teknolohiya, magandang panukala ang naisip mo. Pero dahil alam mong matagal pa bago ito mangyari dahil ultimong government websites nga e hindi mo mapakinabangan sa pagkuha ng impormasyon at tulong, alam mong hindi ito mangyayari sa mga oras na ito. At imbento mo lang din ang NFCR. Ang lalaking nasa sa harapan mo - ang lalaking hindi mo kilala at hindi ka kilala - ay mananatili sa harapan mo hanggang makasakay kayo ng tren at maghiwalay ng landas doon.
Sa huli, inisip mo na lang na dumating na ang tren, pareho kayong makaupo, at ma-late siya sa pinapasukan niya. Tapos pagalitan siya ng amo niya. Ganun na lang. Sa lahat ng inisip mo, iyon na yata ang pinaka-posible.
Ilang segundo matapos ang mga iniisip mo, dumating na ang tren. Hindi bumuka ang lupa ng bahaging iyon ng EDSA, hindi din nagkatulakan at nagka-Face-Scratch-and-Run, malalamya talaga ang mga gwardiya, at nagising ka na mula sa futuristic thoughts mo. Pumasok kayo ng tren. Lumiko siya sa kanan. Lumiko ka sa kaliwa. Naghiwalay kayo ng landas. Nakaupo ka, Gumaan na ang pakiramdam mo. Hindi mo alam kung male-late siya at pagagalitan ng amo. Matapos ang oras na iyon ng pag-iisip ng masama, hindi na uli kayo nagkita.
********** ********** **********
Hindi pa umaalis ang tren. Nag-reflect ka. Ano nga pala ang kinagalit mo?
Isa ka sa mga pasaherong praktikal at mautak. Pero kahit medyo wala kayong konsiderasyon sa mga nakapila sa likuran niyo, wala namang masama sa ginagawa niyong paghinto sa bukana ng pintuan kapag medyo puno na ang tren, para mas malaki ang tyansa niyong makaupo sa susunod na tren. Swerte dahil ikaw na ang nasa unahan ng pila sa susunod na tren. Hinintay mo talaga ang pagkakataon na mapunta sa posisyong ito. Nagpaubaya ka sa mga gustong magpauna, isinakripisyo mong dibaleng ma-late, makaupo lang sa tren.
Nung papuno na ang nakahintong tren, merong isang lalaki - na hindi mo kilala at hindi ka kilala - mula sa loob ang lumabas. Siguro ayaw masiksik, piniling hintayin na lang din ang susunod na tren para makaupo din. Pero imbes na pumila sa likuran niyo, bumandera siya sa harapan mo. Walang sumita sa kanya. At dahil hindi ka basag-ulo, hindi mo din sinita. Pinag-aral ka kasi sa pribadong eskwelahan at pinalaki ka nang maayos ng magulang mo.
Umalis na ang tren na hinintuan mo at dapat ay sinakyan ng lalaki sa harapan mo. Pero talagang bastos siyang bumandera sa harapan mo. Leader daw siya e. Nagsalita ang bantay sa platform. "Konting atras lang po, h'wag po tayong umapak sa dilaw na tiles. Atras lang po, salamat po."
Hindi ka umatras. Bakit ka aatras? Nasa tamang pwesto ka. Hinintay mo ang pagkakataon para sa pwestong ito. Dapat yung lalaking nasa unahan mo - yung hindi mo kilala at hindi ka kilala - ang bumalik sa likuran! Bakit ka aatras? Alam niyang bawal doon sa pwestong iyon, pero doon pa din siya bumandera!
Nilingon ka niya at nagsalita: "Boy atras naman. Konti lang." Limang salitang lumabas sa bibig niyang hindi pa nagsipilyo. Iyon talaga ang nakapagpagalit sa'yo. Anus of Uranus.
At nakapag-isip ka ng mga alamat na hindi magkakatotoo. Nakapag-isip ka ng masama kahit isa kang mabuting tao.
Inisip mong bumuka ang bahaging iyon ng EDSA...ang NFCR...
Inilabas mo na lang ang Skeleton Crew at nagbasa.
Goodbye, North Avenue.
--peso--